Dalawang drug personalities na kinilalang sina alyas “Jamer” at alyas “Jaden” ang naaresto ng Masbate Police Provincial Office (Masbate PPO), katuwang ang ODRDO-RPDEU5, Masbate City Police Station, PIU/PPDEU, at PDEA Masbate, sa magkahiwalay na implementasyon ng search warrants sa Brgy. Ibingay at Brgy. Nursery, Masbate City noong Hulyo 29, 2026.
Sa magkahiwalay na operasyon, nakumpiska ang mahigit 25 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang Standard Drug Price na Php170,000, kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia.
Sa unang operasyon na isinagawa bandang 3:55 ng hapon sa Brgy. Ibingay, naaresto si alyas “Jamer” matapos makumpiska mula sa kanya ang humigit-kumulang 20 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang Php136,000, bukod sa iba’t ibang drug paraphernalia at iba pang ebidensya. Makalipas ang ilang minuto, bandang 4:10 ng hapon, naaresto naman si alyas “Jaden” sa Purok 6, Brgy. Nursery, kung saan narekober mula sa kanya ang humigit-kumulang 5 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang Php34,000, gayundin ang iba’t ibang drug paraphernalia.
Isinagawa ang mga operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga at sa mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang implementasyon ng mga search warrant ay isinagawa sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sa harap ng mga mandatory witnesses upang matiyak ang integridad at legalidad ng buong operasyon. Patuloy na inihahanda ang kaukulang mga kaso laban sa dalawang suspek dahil sa paglabag sa Section 11 ng naturang batas.
“Ang magkasunod na matagumpay na operasyon na ito ay malinaw na patunay ng ating walang humpay na kampanya laban sa ilegal na droga. Patuloy nating paiigtingin ang intelligence-driven at legal na operasyon upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas at mapanatiling ligtas ang bawat pamayanan sa Masbate. Ang Masbate PPO ay nananatiling matatag sa pagpapatupad ng batas at nananawagan sa publiko na patuloy na makiisa sa pagbibigay ng impormasyon laban sa mga sangkot sa ilegal na droga,” pahayag ni Police Colonel Jefferson B. Araujo, Provincial Director ng Masbate PPO.



