Matagumpay na natiyak ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng Anti-Mining and Labor Rights Assembly na isinagawa sa harap ng Nueva Vizcaya People’s Stage, Capitol Compound, Brgy. District IV, Bayombong, Nueva Vizcaya noong Hulyo 27, 2026.
Dinaluhan ang aktibidad ng humigit-kumulang 25 kalahok mula sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, at Cagayan, kabilang ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyong nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka, manggagawa, at pangangalaga sa kalikasan.
Sa naturang pagtitipon, inilahad ng mga kalahok ang kanilang mga adbokasiya kaugnay ng karapatan ng mga manggagawa at magsasaka, pagtutol sa pagmimina, at pangangalaga sa mga lupang ninuno, likas na yaman, at kabuhayan ng mga komunidad.
Upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at ang maayos na pagdaraos ng aktibidad, nagtalaga ang NVPPO ng 76 na police personnel na nagsagawa ng Civil Disturbance Management (CDM), traffic management, area security, intelligence monitoring, documentation, at quick response operations. Nanatili ring nakikipag-ugnayan ang mga kapulisan sa mga organizer habang mahigpit na binabantayan ang pagsunod sa umiiral na mga batas at pinanatiling nakaantabay ang mga yunit upang matiyak ang mapayapang takbo ng pagtitipon.
Patuloy na naninindigan ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan habang iginagalang ang karapatan ng bawat mamamayan sa mapayapang pagtitipon. Kasabay nito, patuloy nitong isinusulong ang adbokasiya ng Philippine National Police na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” para sa ligtas, maayos, at balanseng pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa buong lalawigan.
Source: PNP Nueva Vizcaya PPO



