Php170K halaga ng hinihinalang shabu, narekober; 3 indibidwal arestado sa magkakahiwalay na operasyon sa Iriga City

0
134

Tatlong indibidwal ang naaresto matapos matagumpay na maipatupad ng Iriga City Police Station ang dalawang magkahiwalay na Search Warrant Operations sa Zone 4, Barangay San Francisco, Iriga City, nito lamang umaga ng Hulyo 7, 2026.

Pinangunahan ang operasyon ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Intelligence Personnel ng Iriga City Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PLtCol Jeric Don P. Sadia, Acting Chief of Police.

Ang tatlong suspek, na pawang mga residente ng naturang barangay, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Iriga City Police Station para sa mga kaukulang dokumentasyon at paghahanda para sa pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa isinagawang operasyon, narekober mula sa mga suspek ang ilang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu. Ang mga ito ay may tinatayang kabuuang timbang na humigit-kumulang 25 gramo at tinatayang Standard Drug Price na nasa Php170,000.00.

Ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng mga Search Warrant na inisyu ng Executive Judge ng Regional Trial Court, Branch 37, Iriga City. Mahigpit ding isinagawa ang koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region V bago ang implementasyon ng operasyon.

Patuloy na pinagtitibay ng Iriga City Police Station ang matatag nitong kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng intelligence-driven at law enforcement operations. Hinihikayat din nito ang publiko na patuloy na makiisa at maging mapagmatyag sa pagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pagpapanatili ng isang ligtas, mapayapa, at drug-free na komunidad alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply