Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ng mga operatiba ng Doña Remedios Trinidad Municipal Police Station sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Pulong Sampalok, Doña Remedios Trinidad, Bulacan, bandang 7:30 ng gabi noong Hulyo 30, 2026.
Kinilala ni Police Major Henry SJ Gonzales, hepe ng Doña Remedios Trinidad MPS, ang mga suspek na sina alyas Mari, 46 taong gulang na babae, residente ng Grace Ville, City of San Jose del Monte, Bulacan; at alyas Rey, 46 taong gulang na lalaking driver, at residente ng Heritage Home, Marilao, Bulacan.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang 197 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na humigit-kumulang Php 1,339,600, buy-bust money, isang kulay abong bag, at isang kulay orange na Honda Giorno na motorsiklo na may plate number C491FS.
Kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular sa Artikulo II, Seksyon 5, 11, at 26 ang kakaharapin ng mga suspek.
Ang pagkakasamsam ng malaking halaga ng hinihinalang shabu ay isang malaking hakbang sa ating patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga. Hindi titigil ang Bulacan PPO sa pagsasagawa ng mas pinaigting na operasyon upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas at maprotektahan ang ating mga komunidad laban sa banta ng ilegal na droga. Patuloy din naming hinihikayat ang publiko na makiisa at agad na iulat sa kapulisan ang anumang impormasyon na makatutulong sa paglaban sa kriminalidad, ani Police Colonel Jay B Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office.
Source: Bulacan Police Provincial Office
Panulat ni PMSg Grace Ortiz



