Muling pinatunayan ng Philippine National Police, sa pamamagitan ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG), na ang tunay na serbisyo sa mamamayan ay hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi maging sa pangangalaga sa kalikasan at pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad. Sa gitna ng lumalalang hamon ng climate change at pagkasira ng kapaligiran, nanguna ang PCADG sa isang makabuluhang Tree Planting and Clean-Up Drive bilang bahagi ng pagdiriwang ng Police Community Relations Month.
Pinangunahan ni PBGen Vina H. Guzman, Director ng PCADG, katuwang si PCol Luis E. Guisic, Chief ng Community Assistance and Development Division (CADD), ang aktibidad na isinagawa sa Ina ng Buhay Parish, Jordan Heights, Damong Maliit, Novaliches, Quezon City noong Hulyo 4. Kasama rin ng PCADG sa makabuluhang gawain na ito ang Sangguniang Masang Pilipino International Incorporated (SMPII) sa ilalim ng temang “SMPII at Kapulisan: Kaagapay ng Komunidad at Simbahan para sa Kalinisan at Luntiang Kinabukasan.”
Nakiisa sa nasabing aktibidad ang mga tauhan ng PCADG, mga kinatawan ng SMPII, Novaliches Police Station 4, mga opisyal ng barangay, volunteers, kinatawan ng simbahan, at iba pang miyembro ng komunidad. Bago sinimulan ang programa, isinailalim muna ang mga kalahok sa safety orientation upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng mga gawain, na sinundan ng Ceremonial Oath of Commitment to the Environment bilang panata ng sama-samang pangangalaga sa kalikasan.
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng aktibidad ang matagumpay na pagtatanim ng 75 puno ng kalamansi, na sumisimbolo sa pag-asa, kasaganaan, at patuloy na malasakit sa kalikasan. Kasabay nito, isinagawa rin ang clean-up drive bilang konkretong hakbang upang mapanatiling malinis ang kapaligiran at mahikayat ang komunidad na makiisa sa mga gawaing pangkalikasan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBGen Guzman na ang pangangalaga sa kalikasan ay isang kolektibong tungkulin na nangangailangan ng aktibong pakikilahok ng bawat isa.
Sa kabuuan, ipinakita ng PCADG at ng mga katuwang nitong organisasyon na ang makabagong kapulisan ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas kundi tunay na kaagapay ng sambayanan sa pagsusulong ng isang ligtas, maayos, at luntiang pamayanan. Ang ganitong inisyatiba ay patunay na buhay ang adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” kung saan ang bawat punong naitanim at bawat basurang nalikom ay hakbang tungo sa mas malinis, mas luntian, at mas maunlad na kinabukasan.
Source: PCADG-CADD



