PBGen Silvio, itinalaga na bagong Regional Director ng PRO5

0
197

Opisyal nang itinalaga bilang ika-45 Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5) si Police Brigadier General Glenn Guiriba Silvio, dala ang halos tatlong dekada ng karanasan sa paghahatid ng serbisyong pampulisya, malawak na kaalaman sa imbestigasyon, at matibay na ugnayan sa Bicol Region.

Pinangunahan ni Deputy Chief, PNP for Operations PLtGen Wilson Joseph F. Lopez ang Turnover and Assumption of Office Ceremony na ginanap sa PRO5 Grandstand, Camp BGen Simeon A. Ola, Legazpi City, nito lamang Agosto 27, 2026.

Pinalitan ni PBGen Silvio si PBGen Erosito N. Miranda na opisyal nang nagretiro sa serbisyo.

Si PBGen Silvio ay kasapi ng PNPA “Kapanalig” Class of 1997. Bago pa man siya pumasok sa Philippine National Police Academy, siya ay nagtapos ng Bachelor of Science in Electrical Engineering sa Far Eastern University. Sa loob ng 29 na taon sa serbisyo, nagsilbi siya sa iba’t ibang mahahalagang posisyon, kabilang ang 11 taon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kung saan hinubog ang kanyang malawak na karanasan sa criminal investigation at iba pang law enforcement operations.

Hindi na bago kay PBGen Silvio ang Bicol Region dahil nagsilbi na rin siya bilang Regional Chief ng CIDG Region 5 noong 2021. Sa kanyang muling pagbabalik sa Bicol, dala niya ang malalim na pagkakakilala sa mga komunidad ng rehiyon, katuwang na ahensya, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders sa Bicol.

Bago italaga bilang Regional Director ng PRO5, nagsilbi rin siya bilang District Director ng Quezon City Police District (QCPD), National Capital Region Police Office (NCRPO), kung saan pinangunahan niya ang mga programa para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at pagpapalakas ng paghahatid ng serbisyong mabilis, tapat at nararamdaman.

Sa kanyang pag-upo bilang bagong lider ng PRO5, inaasahang paiigtingin ni PBGen Silvio ang mga nasimulang programa at tagumpay ng himpilan, habang higit pang pinatitibay ang ugnayan ng kapulisan sa mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensya ng pamahalaan, stakeholders, at mga komunidad.

Bitbit ang kanyang karanasan sa imbestigasyon, operasyon, at pamumuno, layunin niyang pangunahan ang PRO5 sa patuloy na pagbibigay ng mahusay at makabuluhang serbisyo tungo sa mas ligtas, mapayapa at maunlad na Bicol Region alinsunod sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Source: https://www.facebook.com/share/p/1E7Ez7avEs/

Leave a Reply