Umabot sa 36 katao ang naaresto ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa magkakasunod na operasyon laban sa ilegal na droga, wanted persons, illegal logging at fishing, at iba pang paglabag sa batas sa buong Western Visayas sa loob lamang ng 24 oras.
Batay sa Regional Operational Accomplishment Dashboard ng PRO6, simula alas 6:00 AM ng Agosto 26 hanggang alas 5:59 AM ng Agosto 27, 2026, nakapagsagawa ang mga police unit sa buong rehiyon ng 33 operasyon.
Sa kampanya kontra ilegal na droga, limang katao ang naaresto sa limang operasyon at nakumpiska ang 94.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na PhP642,600.00.
Sa manhunt operations, 24 wanted persons naman ang naaresto, kabilang ang isang Municipal-Level Most Wanted Person at 23 Other Wanted Persons.
Samantala, 12 loose firearms at anim na explosive devices naman ang boluntaryong isinuko sa 16 operasyon. Habang sa 11 operasyon kontra illegal logging, anim ang naaresto at nakumpiska ang 378 board feet ng kahoy, 15 sako ng uling na may kabuuang halaga na PhP18,610.00.
Sa kampanya laban sa illegal fishing, walong operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng walong katao. Nakumpiska rin ang mga isda at iba’t ibang kagamitang pandagat na may kabuuang halagang PhP324,530.00.
Sa pamamagitan ng pinaigting na intelligence-driven law enforcement operations, mas aktibong police presence, checkpoints, at patuloy na pakikipagtulungan ng komunidad, napanatili ng PRO6 ang peace and order sa rehiyon, kung saan walang naitalang focus crime sa loob ng nasabing 24-oras na panahon.
Binigyang-diin ni PRO6 Regional Director PBGen Randulf T Tuaño na ang mga naturang resulta ay sumasalamin sa PRO6 Way—Intelligence First, Coordination Always, Results That Speak for Themselves—na nagsisilbing gabay sa mas mabilis, koordinado, at epektibong pagpapatupad ng batas sa rehiyon alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
“Patuloy nating paiigtingin ang intelligence-driven at coordinated police operations upang maagapan ang krimen, mapanagot ang mga lumalabag sa batas, at mapanatiling ligtas at mapayapa ang ating mga komunidad,” ani PBGen Tuaño.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1DkVMrcTKr/?mibextid=wwXIfr



