Matagumpay na nagsagawa ng Outreach Program ang mga tauhan ng Paracelis Municipal Police Station (MPS), sa pangunguna ni PEMS Marjorie N. Rivera, para sa mga kindergarten learner’s ng Canabo Elementary School sa Sitio Canabo, Barangay Poblacion, Paracelis, Mountain Province noong Agosto 18, 2026.
Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Paracelis MPS na palakasin ang ugnayan nito sa paaralan at komunidad, gayundin ang pagsusulong sa kapakanan at pag-unlad ng mga bata. Nakatanggap ang mga batang mag-aaral ng iba’t ibang uri ng tulong at suporta bilang bahagi ng outreach program.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang feeding program upang maisulong ang wastong nutrisyon at kalusugan ng mga bata, gayundin ang libreng gupit. Namahagi rin ang mga kapulisan ng school supplies at tsinelas upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mag-aaral at mahikayat silang maging mas aktibo sa kanilang pag-aaral.
Naging pagkakataon din ang programa para sa mga pulis na makisalamuha sa mga mag-aaral sa isang masaya, palakaibigan, at positibong kapaligiran. Sa pamamagitan nito, higit na napalapit ang kapulisan sa mga bata at napalakas ang tiwala at kumpiyansa ng mga ito sa kanilang mga tagapagtanggol. Ipinakita rin ng aktibidad na ang tungkulin ng pulisya ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas, kundi maging sa paglilingkod sa komunidad at pagsusulong ng kapakanan ng mga kabataan.
Patuloy namang isusulong ng Paracelis MPS ang mga programang naglalayong palakasin ang police-community partnership at paghahatid ng serbisyong may malasakit, pag-asa, at pagkalinga, lalo na sa mga komunidad na higit na nangangailangan ng suporta, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PnpMtprovince Paracelis



