Naaresto ang isang online seller ng rehistradong SIM cards sa isinagawang entrapment operation ng Ilocos Sur Provincial Cyber Response Team noong Pebrero 11, 2026, bandang alas-5:10 ng hapon sa bayan ng Santa, Ilocos Sur.
Kinilala ang suspek na isang 27-anyos na lalaki na may alyas na “Jun,” na nahuli dahil sa ilegal na pagbebenta online ng mga rehistradong Subscriber Identity Module (SIM) cards.
Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 7 ng Republic Act 11934 o SIM Registration Act kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012”.
Pinuri naman ni PBGen Wilson C. Asueta, Acting Director ng PNP Anti-Cybercrime Group, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon. Ayon sa kanya, ang mga rehistradong SIM card ay madalas napupunta sa kamay ng mga scammer at manloloko. Hinikayat din niya ang publiko na suportahan ang pagpapatupad ng SIM Registration Act sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga ilegal na aktibidad sa pinakamalapit na tanggapan ng ACG.



