Nueva Ecija PPO, pinaigting ang kahandaan ng mga paaralan laban sa “Active Shooter”

0
64

Pinaigting ng Nueva Ecija Police Provincial Office (PPO), sa pamamagitan ng Provincial Community Affairs and Development Unit (PCADU), ang mga hakbang para mapalakas ang seguridad at kahandaan ng mga paaralan laban sa posibleng insidente ng pamamaril. Kaugnay nito, nagsagawa ang kapulisan ng mga lecture at drill hinggil sa Active Shooter Preparedness noong Nobyembre 9, 2026, sa piling paaralan sa Palayan City at Cabanatuan City.

Kabilang sa mga paaralang nakibahagi sa aktibidad ang Atate Elementary School, Singgalat Elementary School, at Popolon Elementary School sa Palayan City, gayundin ang L.O. Francisco Elementary School at Cesar E. Vergara Memorial High School sa Cabanatuan City.

Sa pamamagitan ng mga lecture at drill, binigyan ang mga guro, kawani ng paaralan, at mag-aaral ng mahahalagang kaalaman tungkol sa pagkilala sa mga posibleng banta at ligtas na pagtugon sakaling magkaroon ng insidente ng pamamaril. Layunin din nitong mapahusay ang kanilang kahandaan at maitaguyod ang wastong pagkilos sa mga sitwasyong nangangailangan ng maagap at angkop na pagtugon.

Patuloy na isinusulong ng Nueva Ecija PPO ang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan upang mapalakas ang kamalayan, kahandaan, at pagtutulungan para sa proteksyon ng mga mag-aaral at kawani, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: Nueva Ecija PPO (https://www.facebook.com/share/p/19RQZBRPuT/)

Leave a Reply