Munting tahanan handog ng PRO8, naghatid ng pag-asa sa isang Tatay sa Villareal, Samar

0
43

Muling ipinamalas ng Police Regional Office 8 (PRO-8), sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Jason L Capoy, Regional Director, ang malasakit at tunay na diwa ng “Serbisyong mabilis, tapat, at naramdaman” matapos magtulungan ang mga kapulisan upang maitayo ang isang munting tahanan para sa isang residente ng Brgy. Cambaguio, Villareal, Samar noong Hunyo 17, 2026.

Kinilala ang benepisyaryo na si “Tatay Nonoy,” isang 58-anyos na residente ng nasabing barangay. Si Tatay Nonoy ay mag-isa na lamang sa buhay at matagal nang nahaharap sa mga hamon ng araw-araw na pamumuhay, na dahilan upang mapili siyang maging benepisyaryo ng proyektong ito.

Sa tulong ng Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) Cambaguio, nabigyan si Tatay Nonoy ng pagkakataong magkaroon ng ligtas at maayos na tahanan na magsisilbing simbolo ng panibagong pag-asa at pagkakataong makapagsimulang muli.

Sa loob lamang ng dalawang araw, matagumpay na naitayo ang bahay sa pamamagitan ng bayanihan ng mga kapulisan na nakatalaga sa R-PSB, katuwang ang mga opisyal ng barangay at mga barangay tanod.

Lubos namang nagpasalamat si Tatay Nonoy sa ipinakitang malasakit at suporta ng mga pulis at mga opisyal ng barangay. Ayon sa kanya, hindi lamang bahay ang kanyang natanggap kundi isang pagkakataong makapagsimulang muli at harapin ang buhay nang may pag-asa.

Pinuri naman ni RD Capoy ang ipinakitang malasakit ng mga personnel at iginiit na ang ganitong serbisyo ay pagpapakita ng tunay na papel ng kapulisan bilang katuwang ng mamamayan sa pagbibigay ng pag-asa at pagkalinga.

“Ang bawat tahanang ating naitatayo ay hindi lamang estruktura kundi simbolo ng pag-asa at malasakit. Patuloy nating isasabuhay ang ating tungkulin na paglingkuran ang mamamayan hindi lamang sa pagpapatupad ng batas kundi maging sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan,” ani PBGen Capoy.

Leave a Reply