Lalaking may dalang improvised firearm, arestado ng Bustos PNP

0
114

Arestado ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng improvised firearm at bala sa isinagawang mobile patrol ng mga miyembro ng Bustos Municipal Police Station sa Brgy. Malamig, Bustos, Bulacan bandang 10:00 ng gabi noong Hunyo 19, 2026.

Ayon kay Police Captain Heherson M Zambale, Officer-In-Charge ng Bustos MPS, napansin ng mga nagpapatrolyang pulis ang isang lalaking walang suot na damit na pang-itaas habang naglalakad sa pampublikong lugar.

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Safer Cities Initiative, nilapitan ito ng mga pulis at pinakiusapang isuot ang damit na kanyang hawak upang maiwasan ang paglabag sa ipinatupad na ordinansa.

Habang sinusunod ng suspek ang utos ng mga pulis, napansin ang isang metal tube na binalutan ng goma at electrical tape na nakatago sa kanyang damit. Sa isinagawang beripikasyon, natuklasang isa itong improvised handgun na may lamang isang bala ng kalibre 9mm. Agad na kinumpiska ang nasabing baril at bala at inaresto ang suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Pinuri ni Police Colonel Jay B Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang maagap na pagkilos ng mga operatiba ng Bustos MPS at binigyang-diin ang patuloy na pagpapatupad ng mga hakbang laban sa ilegal na pagdadala at pag-iingat ng mga baril upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko sa lalawigan ng Bulacan na angkop sa layunin na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply