MPPPO at katuwang na ahensya, pinaigting ang search and rescue operation sa Sagada

0
93

Pinaigting ng Mountain Province Police Provincial Office (MPPPO), katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)–Sagada, Bureau of Fire Protection (BFP)–Sagada, iba pang partner agencies at mga volunteers, ang search and rescue operation para sa paghahanap sa nawawalang 17-anyos na si Sophia Magalgalit Oria, residente ng Barangay Demang, Sagada, Mountain Province.

Huling nakita si Oria bandang alas-7 ng gabi noong Agosto 8, 2026. Simula nang maiulat ang kanyang pagkawala, nagsagawa ang mga search and rescue team ng sistematikong paghahanap, pagsusuri sa mga lugar na posibleng pinuntahan, at tuloy-tuloy na monitoring sa iba’t ibang bahagi ng Sagada upang matukoy ang kanyang kinaroroonan.

Nanawagan ang MPPPO sa publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa isinasagawang operasyon. Hinihikayat ang sinumang nakakita kay Oria o may impormasyong makatutulong sa paghahanap sa kanya na agad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa alinmang miyembro ng search and rescue team.

Ipinakikita ng patuloy na koordinasyon ng PNP, rescue teams, partner agencies at mga boluntaryo ang kanilang dedikasyon sa mabilis na pagtugon at pangangalaga sa kaligtasan ng bawat mamamayan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: Mountain Province PPO

Leave a Reply