Sa gitna ng rotational brownouts na naranasan sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon simula Mayo 11, mas pinaigting ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang kanilang seguridad at anti-criminality operations upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. Bunga nito, nakapagtala ang rehiyon ng malaking pagbaba sa insidente ng krimen sa nakalipas na linggo.
Batay sa tala ng PRO3, bumaba ng 39.06 porsyento ang focus crime incidents mula Mayo 11 hanggang 17, 2026. Mula sa 64 na naitalang kaso noong Mayo 4 hanggang 10, bumaba ito sa 39 na insidente sa sumunod na linggo, patunay sa epektibong pagpapatupad ng pinaigting na police operations sa buong rehiyon.
Ayon sa PRO3, naging susi sa pagbaba ng krimen ang mas mataas na police visibility at tuloy-tuloy na operasyon laban sa kriminalidad, partikular sa gabi at madaling-araw kung kailan higit na nararamdaman ang epekto ng pagkawala ng kuryente. Kabilang sa isinagawang hakbang ang dagdag na deployment ng bike patrols, mobile patrols, foot patrols, at strategic checkpoints sa mga komunidad at lugar na itinuturing na crime-prone.
Sinabi ni PBGen Jess B. Mendez, Regional Director ng PRO 3, na agad na nagsagawa ng operational adjustments ang kapulisan upang tugunan ang posibleng banta sa seguridad dulot ng rotational brownouts. Aniya, naging mahalaga ang mas pinaigting na presensya ng mga pulis sa lansangan upang mapanatili ang kaayusan at kapanatagan ng mamamayan.
Binigyang-diin din ni PBGen Mendez na ang pagbaba ng focus crime incidents ay sumasalamin sa pagiging epektibo ng mabilis na police response, matatag na police visibility, at pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan. Dagdag pa niya, nakaayon ito sa pagpapatupad ng Focused Agenda ng Philippine National Police at ng Safer Cities Program na naglalayong palakasin ang preventive policing at public safety measures sa mga urban at residential areas.
Patuloy namang tiniyak ng PRO3 na magpapatuloy ang intensified patrol operations, intelligence monitoring, at preventive policing efforts sa buong Central Luzon upang mapanatili ang seguridad sa kabila ng mga hamong dulot ng power interruptions. Sa ilalim ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat at nararamdaman,” muling ipinakita ng kapulisan ang kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng maagap at makataong serbisyo para sa kapakanan ng sambayanan.
Source: PRO 3



