Mapayapang “Undas 2026” sa Western Visayas, naitala ng PR06

0
123

Naging mapayapa at maayos ang paggunita sa Undas 2026 sa buong Western Visayas, matapos walang maitalang insidenteng may kaugnayan sa selebrasyon batay sa monitoring ng Police Regional Office 6 (PRO6).

Ang positibong resulta ay bunga ng maagang paghahanda, pinaigting na police visibility, mahigpit na pagbabantay, at malawak na koordinasyon ng PRO6 sa mga lokal na pamahalaan, partner agencies, at force multipliers upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa mga sementeryo, memorial park, pangunahing lansangan, terminal, at iba pang lugar na dinarayo ng mga mamamayan.

Sa buong panahon ng paggunita, nanatiling nakatalaga ang mga tauhan ng pulisya sa mga estratehikong lugar, habang patuloy na nagbibigay ng tulong ang mga Police Assistance Desks (PAD) sa mga pamilyang dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Nagsagawa rin ang PRO6 ng tuloy-tuloy na monitoring, inspeksyon, at red-teaming operations upang matiyak ang aktuwal na presensya ng mga pulis sa kanilang mga itinakdang puwesto, kahandaan sa pagtugon sa anumang insidente, at mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na hakbang sa seguridad.

Kaugnay nito, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si PRO6 Regional Director PBGen Randulf T Tuaño sa lahat ng kapulisan, partner agencies, force multipliers, at mga mamamayang naging katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng paggunita.

“Ang mapayapang paggunita sa Undas ay bunga ng sama-samang pagkilos, dedikasyon, at sakripisyo ng ating kapulisan, partner agencies, at force multipliers. Taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng nagbantay at naglingkod upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. Kinikilala rin natin ang disiplina at pakikiisa ng ating mga mamamayan na naging mahalagang bahagi ng tagumpay na ito. Ang ligtas at mapayapang Undas ay tagumpay nating lahat,” pahayag ni PBGen Tuaño.

Alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” patuloy nilang ipatutupad ang police security deployment, mobile patrols, traffic assistance, at mahigpit na monitoring sa mga pangunahing lansangan at terminal, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga biyaherong pauwi matapos ang paggunita sa Undas.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1CbE9fWe92/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply