Mahigit Php103K halaga ng abandonadong narra flitches, narekober sa San Mariano, Isabela

0
199

Matagumpay na nakarekober ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office 2 (PRO2) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 19 piraso ng abandonadong narra flitches na may kabuuang volume na 1,038 board feet at tinatayang nagkakahalaga ng Php103,800 sa Sitio Maldam, Barangay Binatug, San Mariano, Isabela noong Agosto 14, 2026.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-9:15 ng umaga matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa isang tumpok ng narra wood na iniwan sa naturang lugar. Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng 201st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2, katuwang ang Isabela Environment Protection Task Force (ISEP-TF), Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), 1st Isabela Provincial Mobile Force Company, at San Mariano Police Station, kung saan matagumpay na narekober ang mga kahoy.

Kinilala ng forester ang mga nakarekober bilang premium Narra wood at isinailalim sa scaling na umabot sa 1,038 board feet. Matapos nito, dinala ang mga ito sa CENRO Office sa Barangay Magsaysay, Naguilian, Isabela para sa kaukulang appraisal at pagtanggap ng CENRO Officer, na nagtakda ng tinatayang halaga na Php103,800. Ang operasyon ay bahagi ng pagpapatupad ng Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Reform Code of the Philippines laban sa ilegal na pagputol, pagmamay-ari, pagbiyahe, at kalakalan ng mga produktong gubat.

Patuloy na pinagtitibay ng PRO2 ang pakikipagtulungan nito sa mga katuwang na ahensya at komunidad sa pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan at pangangalaga sa likas na yaman ng Cagayan Valley. Hinihikayat din ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o kinauukulang environmental authorities ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng mga produktong gubat.

Source: PNP Police Regional Office 2

Leave a Reply