Nagbunga ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) matapos makasamsam ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit Php1,827,526.40 at maaresto ang dalawang drug personality sa magkakahiwalay na operasyon sa Kalinga, Mountain Province, at Apayao noong Agosto 5, 2026.
Ayon sa pamunuan ng PRO CAR, nadiskubre ng mga operatiba ang isang marijuana plantation na may 9,000 Fully Grown Marijuana Plants (FGMP) na may Standard Drug Price (SDP) na Php1,800,000 sa isinagawang marijuana eradication operation sa Brgy. Butbut Proper, Tinglayan, Kalinga. Pinangunahan ang operasyon ng Tinglayan Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Pasil MPS, Balbalan MPS, 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company (PMFC), at Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Kalinga Police Provincial Office (PPO).
Agad na binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga natagpuang tanim na marijuana, habang ang mga kinuhang sample ay isinailalim sa qualitative examination ng Provincial Forensic Unit-Kalinga. Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon at mga taong nasa likod ng pagtatanim ng marijuana sa lugar.
Samantala, sa implementasyon ng search warrant sa Brgy. Tapapan, Bauko, Mountain Province, naaresto ang isang 35-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng humigit-kumulang 3 gramo ng hinihinalang shabu na may SDP na Php20,400, at isang improvised glass tooter na naglalaman ng 1 ml ng liquid shabu na may SDP na Php6,262.80. Isinagawa ang operasyon ng Bauko MPS, Provincial Legal Office, Provincial Intelligence Unit (PIU), PDEU, Provincial Intelligence Team, MPPPT 1st PMFC, Regional Intelligence Unit 14, RMFB 15, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Mountain Province.
Sa hiwalay na search warrant operation, sa Brgy. Panay, Santa Marcela, Apayao, naaresto rin ang isang 29-anyos na lalaki na nakatala bilang Street-Level Individual (SLI) matapos makumpiskahan ng tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 0.127 gramo at may SDP na Php863.60. Pinangunahan ang operasyon ng Santa Marcela MPS katuwang ang PDEU at PIU ng Apayao PPO, 1st Apayao PMFC, at Regional Intelligence Division ng PRO CAR.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay sa mas pinaigting na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga, at matatag na pakikipag-ugnayan sa ibang law enforcement agencies, alinsunod sa adhikain ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Source: PNP Police Regional Office CAR



