Nakumpiska ang tinatayang halagang Php104,624 na ilegal na droga habang naaresto ang isang drug personality sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) sa mga probinsya ng Benguet at Abra, noong Setyembre 23, 2026.
Sa isinagawang marijuana eradication operation sa Sitio Wallayan, Brgy. Tacadang, Kibungan, Benguet, nadiskubre ng mga operatiba mula sa iba’t ibang yunit ng Benguet Police Provincial Office (PPO), katuwang ang PNP Drug Enforcement Group-CAR, Regional Mobile Force Battalion 15 (RMFB15), Regional Intelligence Unit-14 (RIU-14), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR, ang 2,500 marijuana seedlings na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na Php100,000.
Samantala, sa lalawigan ng Abra, isang 54-anyos na lalaki ang naaresto sa isinagawang search warrant operation ng mga operatiba mula sa Abra PPO, RID ng PRO CAR, RIU-14, RMFB15, at PDEA-CAR sa bayan ng Sallapadan.
Ayon sa ulat, naaresto ang suspek matapos madikubre mula sa kanyang tirahan sa Brgy. Saccaang ang limang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 0.68 gramo at SDP na Php4,624.
Patuloy na pinaiigting ng PRO CAR ang kampanya kontra ilegal na droga sa Cordillera sa pamamagitan ng koordinadong operasyon at pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya at komunidad, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP Police Regional Office CAR

