“Project R.T.T. 3389” ng PRO6, nakapagtala ng 61 loose firearms sa loob ng 24 oras

0
340

Nakapagtala ang Police Regional Office 6 (PRO6) ng 61 baril na boluntaryong isinuko habang dalawa naman ang nakumpiska sa patuloy na kampanya nito laban sa mga loose firearm sa Western Visayas simula alas 6:00 ng umaga ng Setyembre 23 hanggang alas 5:59 ng umaga ng Setyembre 24, 2026.

Pinakamaraming isinukong baril ang naitala sa lalawigan ng Antique na may 40, sinundan ng Iloilo City na may siyam, Capiz na may anim, Aklan na may lima, at Iloilo Province na mayroong isang baril.

Naitala rin ng PRO6 ang pagkarekober ng dalawang explosive unit, tig-isa sa Aklan at Antique. Pinaalalahanan ng pulisya sa publiko na huwag hawakan, galawin, o dalhin ang anumang hinihinalang pampasabog at agad itong ireport sa mga awtoridad upang maayos at ligtas na maasikaso.

Bahagi ang mga accomplishment na ito ng “Project RTT 3389” (Restrict, Track, and Turn-In), isang malawakang inisyatiba ng PRO6 na sumasaklaw sa 3,389 barangay sa buong Western Visayas. Layunin nitong ilapit sa mga komunidad ang kampanya laban sa loose firearms sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga brgy., boluntaryong pagsuko, tamang accounting, at pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon hinggil sa mga baril.

Ayon kay PRO6 Regional Director PBGen Randulf T. Tuaño, ang inisyatiba ay nagsisilbing katuwang sa police enforcement efforts sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga komunidad ng malinaw na paraan upang makipagtulungan sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa rehiyon, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Aniya, “Ang Project R.T.T. 3389” ay tungkol sa paglapit ng kampanya sa ating mga barangay. Nais nating maging bahagi ng solusyon ang ating mga komunidad sa pamamagitan ng pagtulong na ma-account ang mga loose firearms at paghikayat sa maayos na pagsuko o legal na dokumentasyon ng mga ito. Mahalaga ang enforcement, pero mahalaga rin ang pakikipagtulungan ng komunidad upang mapanatili ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” ani PBGen Tuaño.

Patuloy namang hinikayat ng PRO6 ang mga indibidwal na may hawak na loose o undocumented firearms na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na police unit para malaman ang angkop at legal na proseso para sa pagsuko, pagpaparehistro, renewal, o iba pang kinakailangang hakbang, depende sa kanilang sitwasyon.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1GriJ8e9N4/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply