Nasa kabuuang 10,366 indibidwal ang naitala ng Philippine National Police (PNP) na naaresto sa pinaigting nitong kampanya laban sa ilegal na baril at ilegal na sugal sa buong bansa noong Hulyo 1 hanggang 31, 2026.
Sa kampanya laban sa mga loose firearms, 965 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Sa parehong panahon, 4,830 baril ang naitala ng PNP, kabilang ang 3,724 na nakumpiska, isinuko, nabawi, o narekober sa mga lehitimong operasyon ng pulisya, habang 1,106 naman ang boluntaryong ipinagkatiwala ng mga may-ari para sa safekeeping.
Samantala, nagsagawa ang PNP ng 4,631 operasyon laban sa ilegal na sugal na nagresulta sa pagkakaaresto ng 9,401 indibidwal. Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang gambling money at ibang mga paraphernalia na may tinatayang kabuuang halaga na Php3.2 milyon. Ang mga operasyong ito ay bahagi ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) na naglalayong palakasin ang intelligence-driven law enforcement, police visibility, at mga hakbang laban sa mga banta sa seguridad ng publiko.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang tuloy-tuloy na presensya ng kapulisan at mahigpit na pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang krimen at mapanatili ang tiwala ng publiko. Aniya, “Every illegal firearm removed from our streets and every illegal gambling operation dismantled helps create a safer environment for our communities. These accomplishments reflect the dedication of our police officers and the continuing partnership of the public in keeping peace and order.”
Tiniyak naman ng PNP na magpapatuloy ang mga operasyon laban sa ilegal na baril, ilegal na sugal, at iba pang anyo ng kriminalidad alinsunod sa umiiral na batas, habang isinusulong ang pananagutan, transparency, at paggalang sa karapatang pantao, alinsunod ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO



