Mahigit 8,000 wanted persons, arestado noong Hulyo 2026; Php387.1M halaga ng ilegal na droga, nasamsam

0
22

Umabot sa 8,199 wanted persons ang naaresto at Php387.1 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Philippine National Police (PNP) sa pinaigting nitong kampanya laban sa kriminalidad sa buong bansa noong Hulyo 2026.

Mula Hulyo 1 hanggang 31, 2026, nagsagawa ang PNP ng 5,526 anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6,368 drug personalities, habang tatlo ang nasawi sa lehitimong police operations. Nakumpiska rin ang iba’t ibang uri ng ilegal na droga na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na Php387,136,464.40, kabilang ang 45,334 gramo ng hinihinalang shabu, 82,036 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana, 320,036 tanim na marijuana, 336 gramo ng hinihinalang cocaine, 29 gramo ng hinihinalang ecstasy, at 2,123 gramo ng hinihinalang kush marijuana.

Sa kampanya naman laban sa mga wanted persons, 8,199 pugante ang nadakip sa pamamagitan ng intelligence-driven operations ng iba’t ibang police units. Kabilang dito ang 2,352 Most Wanted Persons at 5,847 Other Wanted Persons. Ang mga tagumpay na ito ay sumasalamin sa patuloy na pagpapatupad ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na nakatuon sa mas pinaigting na police visibility, intelligence gathering, at law enforcement operations.

“Our July accomplishments reflect the determination of every police officer on the ground to keep our communities safe through lawful and focused operations. We will continue to pursue those who violate the law while ensuring that every police action is carried out with accountability and respect for the rights of all,” pahayag ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief.

Walang humpay ang isinasagawang operasyon ng Pambansang Pulisya laban sa ilegal na droga, mga wanted person, at iba pang anyo ng kriminalidad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO

Leave a Reply