Lalaking may mga illegal na armas, arestado ng Batangas PNP

0
901

Naaresto ng mga awtoridad ang isang indibidwal sa bisa ng search warrant sa Barangay Libato, San Juan, Batangas bandang alas-5:00 ng hapon ng Oktubre 24, 2025.

Kinilala ang suspek na si alyas “Virgilio”, 60 taong gulang, lalaki, walang trabaho, at residente ng nasabing barangay.

Ang pag-aresto ay pinangunahan ng San Juan Municipal Police Station bilang lead unit, katuwang ang Provincial Intelligence Team (PIT) Batangas, Regional Intelligence Unit (RIU) 4A, 403rd Alpha Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 4A, at ang 1st Batangas Provincial Mobile Force Company.

Sa isinagawang paghahalughog, nasamsam ng mga awtoridad ang mga sumusunod na mga armas at bala: isang (1) converted caliber .22 rifle, isang (1) caliber .22 air gun na may scope; isang (1) caliber .38 revolver (Serial No. 925393); dalawang (2) bala ng caliber .38; isang (1) caliber .45 pistol na walang serial number, may kasamang magasin; 12 bala ng caliber .45 (anim sa magasin at anim hiwalay); isang (1) chrome magasin; at isang (1) kulay brown na sling bag.

Ayon kay PCol Geovanny Emerick A. Sibalo, Acting Provincial Director ng Batangas PPO, “Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng tuloy-tuloy na kampanya ng Batangas Police laban sa mga ilegal na armas. Hindi namin palalampasin ang mga indibidwal na nagbabanta sa kapayapaan at seguridad ng ating lalawigan — dahil dine sa Batangas, walang takas!”