Arestado ng mga tauhan ng Cebu City Police Station 5 ang isang armadong lalaki matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen sa Leon Kilat St., Brgy. Central Pahina, Cebu City noong Hulyo 23, 2026.
Kinilala ni PCpt. Venstine P Bontilao, Officer-in-Charge ng PS5 CCPO ang suspek na si alyas “Rr”, 23 anyos na residente ng Sitio Pailob, Brgy. Sambag 2, Cebu City.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang .22-caliber revolver at dalawang bala nito. Nabigo rin itong magpakita ng kaukulang permit o legal na dokumento para sa pagmamay-ari ng naturang baril.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pinuri naman ng Cebu City Police Office ang mabilis na aksyon ng mga pulis at pakikipagtulungan ng publiko na naging susi sa matagumpay na operasyon sa ilalim ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman”.
Panulat ni Pat Flora Mae Asarez



