Lalaki, arestado matapos tangkaing takasan ang checkpoint; Hinihinalang shabu at baril nasamsam

0
255

Isang 30-anyos na lalaki ang inaresto ng mga operatiba ng Uson Municipal Police Station matapos umanong tangkaing takasan ang isang police checkpoint at mahulihan ng hinihinalang ilegal na droga at isang hindi lisensiyadong baril sa Barangay Del Carmen, Uson, Masbate, madaling-araw ng Agosto 5, 2026.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng regular na checkpoint operation ang mga tauhan ng Uson MPS nang tangkain ng suspek na umiwas sa checkpoint. Agad itong hinabol at naharang ng mga nakatalagang back-up personnel. Sa gitna ng insidente, umano’y itinapon ng suspek ang isang berdeng lalagyan na kalauna’y napag-alamang naglalaman ng anim (6) na sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na humigit-kumulang dalawang gramo at tinatayang street market value na Php13,600.

Sa isinagawang lawful body search, narekober din mula sa personal na gamit ng suspek ang isang kalibre .38 na revolver na walang serial number, dalawang bala, dalawang piraso ng aluminum foil, isang itim na backpack, at isang Honda XRM na motorsiklo.

Isinagawa ng mga awtoridad ang pagmamarka, imbentaryo, at pagkuha ng litrato sa mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek at ng mga kinakailangang saksi alinsunod sa umiiral na mga alituntunin. Dinala ang suspek at ang lahat ng nakuhang ebidensya sa Uson MPS para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Samantala, muling iginiit ng Masbate Police Provincial Office na mahalagang bahagi ng kanilang kampanya laban sa kriminalidad ang mahigpit na pagpapatupad ng mga police checkpoint bilang mabisang hakbang sa pagsugpo sa ilegal na droga, pagdadala ng mga ipinagbabawal na armas, at iba pang paglabag sa batas. Hinihikayat din nito ang publiko na patuloy na makipagtulungan at magbigay ng napapanahong impormasyon sa mga awtoridad upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa buong lalawigan.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1JhNMR2xih/

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply