Kahoy na Red Lauan, nasabat ng Lasam MPS

0
235

Sa patuloy na kampanya ng kapulisan laban sa iligal na pagtotroso, isang panibagong tagumpay ang naitala matapos masabat ang isang round log ng Red Lauan sa isinagawang operation sa Zone 6, Barangay Sicalao, Lasam, Cagayan noong ika-22 ng Hunyo, 2025.

Ang operasyon ay pinangunahan ng mga operatiba mula sa Lasam Municipal Police Station katuwang ang 3rd Mobile Force Platoon ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company.

Sa mismong operasyon, natagpuan ang isang piraso ng round log ng Red Lauan na may kabuuang haba na humigit-kumulang 200 board feet at tinatayang halaga na Php14,000.

Sa isinagawang beripikasyon, lumutang ang isang testigo na residente ng Barangay Peru, Lasam, Cagayan, na noo’y nangingisda malapit sa lugar nang makita ang kahina-hinalang troso. Ikinuwento nito na noong Hunyo 15, 2025 bandang alas-8:00 ng umaga, kanyang nakita ang isang indibidwal na kinilalang si alyas “Harold”, may asawa, magsasaka, at residente rin ng Baggao na nagdadala ng troso gamit ang kalabaw. Sa kasalukuyan, ang naturang suspek ay pinaghahanap pa rin ng kinauukulan.

Nakipag-ugnayan na rin ang kapulisan sa DENR-Aparri, at isinagawa ang opisyal na pagsusukat at ang nakumpiskang round log ay dinala sa Lasam MPS para sa dokumentasyon at wastong disposisyon.

Source: CPPO