Kabutihang-loob ng pulis sa San Teodoro, Oriental Mindoro, nagbigay ng bagong pag-asa sa mag-aaral na Hanunuo

0
323

Nagpakita ng malasakit at tunay na diwa ng paglilingkod ang isang pulis ng San Teodoro Municipal Police Station (MPS), Oriental Mindoro, matapos niyang pagkalooban ng kumpletong bagong school uniform ang isang Grade 8 na mag-aaral ng San Teodoro National High School na kabilang sa Hanunuo Tribe. Ang kabataang mag-aaral ay umaasa lamang na makatanggap ng gamit na school uniform upang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Habang nagsasagawa ng traffic management sa labas ng paaralan, napansin ni PSSg Ricky S. Rodrigo, Chief, Police Community Relations (PCR) PNCO ng San Teodoro MPS sa pamumuno ni PCpt Arthur A. Atiwag II, Officer-in-Charge, ang luma at punit na uniporme ng mag-aaral. Matapos malaman ang kanyang kalagayan, agad na nagpasya si PSSg Rodrigo na bumili at magbigay ng kumpletong bagong school uniform bilang tulong sa kanyang pag-aaral.

Lubos ang pasasalamat ng mag-aaral sa hindi inaasahang kabutihang ipinakita ng pulis. Bagama’t isang simpleng kilos lamang, nagbigay naman ito ng pag-asa at inspirasyon, at muling nagpatunay na ang tungkulin ng kapulisan ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas kundi maging sa pagtulong at pag-abot ng malasakit sa mga nangangailangan.

Pinuri ni PBGen Christopher Ramos Dela Cruz, Acting Regional Director ng PRO MIMAROPA, si PSSg Rodrigo sa kanyang halimbawa ng malasakit at dedikasyon sa paglilingkod. Ayon sa kanya, “Every act of kindness, no matter how simple, has the power to change a life. Our duty as police officers goes beyond enforcing the law—it is also about recognizing opportunities to uplift those in need. Through compassion and sincere public service, we strengthen the trust and confidence of the communities we are sworn to serve.”

Ang makataong inisyatibong ito ay sumasalamin sa layunin ng Philippine National Police na maghatid ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.” Sa pamamagitan ng mga gawaing nagpapakita ng malasakit, integridad, at taos-pusong paglilingkod, patuloy na pinalalakas ng PNP ang ugnayan nito sa komunidad at isinusulong ang isang ligtas, mapayapa, at mapagmalasakit na lipunan para sa bawat mamamayan.

Source: PRO MIMAROPA

Leave a Reply