Nasamsam ng mga operatiba ng Isabela Police Provincial Office, na pinamumunuan ni PCol Manuel B. Bringas, ang nasa mahigit Php82.7 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa isinagawang operasyon sa isang hotel sa Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela noong Hunyo 25, 2026.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Cauayan Component City Police Station ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Regional Office No. 2, Criminal Investigation and Detection Group RFU2, RMU2, RIU2, RID2, PIU Isabela PPO, RFU2, at 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC), matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na pagbebenta at distribusyon ng smuggled cigarette products sa lungsod.
Sa isinagawang inspeksyon sa dalawang silid ng hotel, nakumpiska ang 202 kahon ng iba’t ibang uri ng hinihinalang smuggled cigarettes. Batay sa pagsusuri ng BIR, tinatayang umabot sa Php82,713,366.52 ang kabuuang halaga ng hindi nabayarang buwis (unpaid taxes) ng mga nasamsam na produkto, na nagpapahiwatig ng posibleng paglabag sa National Internal Revenue Code at iba pang kaugnay na batas laban sa ilegal na kalakalan ng tobacco products.
Kasunod nito, tatlong Chinese nationals ang nakilalang posibleng sangkot sa ilegal na operasyon at haharap sa kaukulang kaso. Ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay isinailalim sa tamang dokumentasyon at kasalukuyang nasa kustodiya ng BIR Regional Office No. 2 para sa kaukulang disposisyon.
Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagsugpo sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad. Sa pamamagitan ng pinaigting na koordinasyon at pagpapatupad ng batas sa ilalim ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” patuloy na isinusulong ng Isabela PPO ang mga hakbang upang maprotektahan ang interes ng mamamayan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Source: PNP Isabela



