Naghatid ng tulong ang Kaarawan Ko, Handog Ko Program ng Kiamba Municipal Police Station bilang bahagi ng pagdiriwang ng Police Community Relations (PCR) Month 2026 noong Hulyo 18, 2026 sa Madrasah An-Nur Al-Islamiyah sa Purok Puago, Barangay Datu Dani, Kiamba, Sarangani Province.
Pinangunahan ang aktibidad ni Police Lieutenant Almer P. Cadavido, Deputy Chief of Police for Operations, kasama ang mga personnel ng Kiamba MPS, na nagdiriwang ng kanilang kaarawan mula Mayo hanggang Hulyo. Naging katuwang din sa programa si SPAG President Aicon E. Aman.
Isinagawa ang outreach sa Madrasah An-Nur Al-Islamiyah sa pangangasiwa ni Imam Jamalodin A. Guili, bilang tugon sa naitalang pagkasira ng ilang pasilidad ng paaralan.
Bilang bahagi ng programa, nagkaloob ang Kiamba MPS ng bagong whiteboard at mga ceiling fan upang mapalitan ang mga kagamitang nasira sa silid-aralan.
Nagsagawa rin ang kapulisan ng mga talakayan hinggil sa kapayapaan, kaligtasan, at pag-iwas sa krimen, na sinundan ng snack-sharing activity kasama ang mga mag-aaral.
Ayon sa Kiamba MPS, layunin ng programa na patatagin ang ugnayan ng Philippine National Police at ng komunidad ng mga Muslim sa pamamagitan ng pagtutulungan, paggalang, at pakikilahok ng kabataan upang maisulong ang pangmatagalang kapayapaan. Ipinakita rin ng aktibidad ang pagpapahalaga ng PNP sa pangunahing pagpapahalagang makatao sa pagbibigay ng pantay na serbisyo at tulong sa lahat ng mamamayan, anuman ang kanilang relihiyon, etnisidad, o katayuan sa buhay na naaayon sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source Kiamba Municipal Police Station



