Patuloy na pinaiigting ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR) ang kampanya laban sa ilegal na armas bilang bahagi ng layunin nitong mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan sa ilalim ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Sa isinagawang operasyon bandang 7:25 ng umaga noong Mayo 26, 2026 sa Barangay Malongcay Diot, Zamboanguita, Negros Oriental, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng PRO-NIR ang isang indibidwal dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang operasyon ay bunga ng pinaigting na intelligence-driven law enforcement operation ng kapulisan sa rehiyon laban sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na pag-iingat ng baril.
Nasamsam mula sa suspek ang isang caliber .45 pistol na walang serial number, isang magazine, pitong live ammunition, at isang itim na holster. Agad namang isinagawa ng mga operatiba ang tamang pagmamarka, imbentaryo, at dokumentasyon ng mga ebidensya alinsunod sa umiiral na police operational procedures upang matiyak ang integridad at legalidad ng operasyon.
Ipinakita rin ng PRO-NIR ang kanilang mahigpit na pagsunod sa karapatang pantao at due process nang ipaliwanag sa suspek ang kanyang Constitutional Rights at Anti-Torture warning sa wikang kanyang nauunawaan para masiguro ang transparency, accountability, at propesyonalismo sa buong operasyon.
Muling pinatunayan ng PRO-NIR na hindi ito titigil sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na armas at iba pang banta sa seguridad ng komunidad.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos



