Sa patuloy na pagsusulong ng isang mas propesyonal, disiplinado, at makataong hanay ng kapulisan, matagumpay na isinagawa ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR), sa pamamagitan ng Regional Recruitment and Selection Unit (RRSU) at Neuro-Psychiatric Section, ang Psychiatric and Psychological Examination para sa mga nagnanais maging bagong miyembro ng Philippine National Police noong Mayo 26, 2026 sa University of Negros Occidental-Recoletos sa Bacolod City.
Pinangunahan ni PCpt Neptali Resurreccion ang mahalagang aktibidad bilang bahagi ng masusing recruitment process ng PNP sa rehiyon upang matiyak na tanging mga kwalipikado, mentally fit, at may kakayahang gampanan ang tungkulin ng isang pulis ang mabibigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa sambayanan.
Kabuuang 589 police applicants ang sumailalim sa pagsusulit na kinabibilangan ng 222 Regular Quota applicants, 336 Attrition applicants, at 31 NSU applicants. Unang isinagawa ang written examination habang magpapatuloy naman ang oral interview hanggang Hunyo 1, 2026.
Layunin ng pagsusuring ito na masukat ang emosyonal na katatagan, mental resilience, behavioral competence, at kahandaan ng bawat aplikante sa hamon ng serbisyo publiko at law enforcement. Pinatitibay nito ang layunin ng PNP na makabuo ng hanay ng mga pulis na hindi lamang mahusay sa pisikal na aspeto kundi nagtataglay din ng integridad, disiplina, mabuting paghusga, at malasakit sa mamamayan.
Ipinakita ng PRO-NIR ang matatag nitong paninindigan sa pagpapatupad ng isang mahigpit, patas, at merit-based recruitment system bilang bahagi ng adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas.” Sa pamamagitan ng masusing screening process, tiniyak ng organisasyon na ang bawat magiging alagad ng batas ay handang maghatid ng “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” para sa kapakanan ng sambayanan.
Panulat ni Andrea Dominique Depalubos
Source: Police Regional Office Negros Island Region



