Ipinagdiwang ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) ang ika-7 anibersaryo ng programang “Sumbong N’yo, Aksyon Agad” (SNAA) sa ginanap na seremonya sa Bulwagang Lapulapu, Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City noong Hulyo 31, 2026.
Naging tampok sa pagdiriwang ang pitong taong mabilis, tapat, at maaasahang paghahatid ng serbisyo at pagbibigay ng agarang aksyon sa mga sumbong at hinaing ng publiko, bilang patunay ng patuloy na pagpapalakas ng tiwala ng mamamayan sa Philippine National Police.
Pinangunahan ni PBGen Vina H. Guzman, PCADG Director, ang programa at binigyang-diin ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon at matatag na ugnayan sa komunidad bilang pundasyon ng epektibong serbisyo publiko. Dumalo rin bilang panauhing pandangal si Atty. Rafael Vicente R. Calinisan, Vice Chairperson and Executive Officer ng NAPOLCOM, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng tiwala ng publiko sa pagpapatatag ng kapayapaan at kaayusan.
Nakiisa rin sa selebrasyon sina PCol Edison “Bong” Nebrija, PLtGen Rodel O. Sermonia (Ret.), PMGen Roderick Augustus B. Alba, at NTF-ELCAC Spokesperson Joel Sy Egco bilang mga guest hosts, habang ibinahagi naman ni SNAA Executive Producer JC Navales ng UNTV ang naging paglalakbay at mga susunod na hakbang ng programa upang higit pang mapalawak ang serbisyong hatid nito sa sambayanan.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagkaroon ng paggawad ng mga token of appreciation sa mga katuwang ng programa, kabilang ang kinatawan ng NAPOLCOM, bago matagumpay na isinagawa ang espesyal na live broadcast ng “Sumbong N’yo, Aksyon Agad.” Ipinakita ng okasyong ito ang matibay na pagtutulungan ng PNP at iba’t ibang sektor sa pagsusulong ng transparency, pananagutan, at maagap na pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan.
Patuloy na pinagtitibay ng Philippine National Police, sa pamamagitan ng mga programang tulad ng “Sumbong N’yo, Aksyon Agad,” ang layunin nitong mailapit ang serbisyo sa bawat Pilipino at mapanatili ang tiwala ng publiko. Ito ay kaakibat ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na nagsisilbing gabay sa paghahatid ng dekalidad at makataong serbisyo sa buong bansa.



