Nasamsam ang humigit-kumulang Php1 milyong halaga ng puslit na sigarilyo sa isinagawang joint maritime patrol operation ng Zamboanga City Maritime Police Station ng PNP–Maritime Group (PNP-MG) bandang 4:00 ng madaling araw ng Disyembre 16, 2025, sa Barangay Talabaan, Zamboanga City.
Kilala ni PBGen Lou F Evangelista, Director ng Maritime Group, ang suspek na si alyas “Basir,” nasa hustong gulang at residente ng Zamboanga City.
Sa nasabing operasyon, sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ay namataan ang suspek habang nagkakarga ng mga kahina-hinalang kahon sa isang metallic gray Nissan Urban van.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang malaking bulto ng smuggled cigarettes na walang Graphic Health Warnings—isang malinaw na paglabag sa Republic Act 10643 o “Graphic Health Warnings Law”.

Nakumpiskang mula sa suspek ang 39 master cases (1,950 reams) ng sigarilyong Greenhills, limang master cases (250 reams) ng sigarilyong Bravo, at isang metallic gray Nissan Urban van na may plate number JBA 5866
Ang kabuuang tinatayang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya ay umaabot sa humigit-kumulang Php1,000,000.
“Ang operasyong ito ay patunay ng dedikasyon, disiplina, at sakripisyo ng ating mga tauhan sa pagbabantay sa karagatan at baybaying bahagi ng bansa. Sa ilalim ng direktiba ng ating Acting Chief, PNP, patuloy nating mabilis at matatag na tinutugunan ang lahat ng uri ng iligal na aktibidad, alinsunod sa prinsipyo ng Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” ani PBGen Evangelista.
Binigyang-diin pa ni PBGen Evangelista na ang naturang operasyon ay alinsunod hindi lamang sa RA 10643, kundi pati na rin sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa smuggling, illicit trade, at economic sabotage—mga krimeng direktang sumisira sa ekonomiya at kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Patuloy ang PNP-Maritime Group sa pagpapatupad ng batas sa karagatan at baybaying bahagi ng bansa, bilang mga tagapangalaga ng soberanya, kaayusan, at pambansang interes.



