Halos Php2M halaga ng shabu, nasamsam sa sunod-sunod na buy-bust ng Rizal PNP; 5 HVI, arestado

0
590

Nasamsam ang mahigit 275 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang halaga na mahigit Php1.88 milyon mula sa limang High Value Individual (HVI) sa isinagawang sunod-sunod na operasyon ng Rizal PNP noong Disyembre 17 at 18, 2025.

Isinagawa ng Municipal Drug Enforcement Team ng Binangonan Municipal Police Station na may koordinasyon sa PDEA ang operasyon bandang 3:15 ng madaling araw ng Disyembre 18, 2025, na nagresulta sa pagkaaresto kina alyas “Nestor”, 53 taong gulang at alyas “J-3”, 39 taong gulang na kapwa itinuturing na HVI sa Barangay Pantok, Binangonan, Rizal.

Nasamsam mula sa kanila ang humigit-kumulang 104.1 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php707,880 kasama ang isang sling bag, mga cellular phone, recovered at buy-bust money, at isang motorcycle.

Samantala, bandang 11:00 ng gabi ng Disyembre 17, 2025, dalawa pang HVI ang nadakip sa Barangay Pag-asa Binangonan, Rizal na kinilala bilang sina alyas “Kabo”, 43 taong gulang at alyas “Toto”, 21 taong gulang.

Narekober sa operasyon ang tinatayang 100.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php684,080, kasama ang coin purse, cellular phone, at buy-bust at recovered money.

Sa hiwalay namang operasyon bandang 9:27 ng gabi ng Disyembre 17, 2025, naaresto ng Station Drug Enforcement Team ng San Mateo MPS sa ilalim pa rin ng koordinasyon sa PDEA  si alyas ”Nor”, 48 taong gulang at isang newly identified HVI sa kanyang tahanan sa Barangay Silangan San Mateo, Rizal.

Nasamsam mula sa kanya ang humigit-kumulang 72 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php489,600, gayundin ang isang revolver pistol, mga bala, holster, sling bag, at buy-bust money.

Ang lahat ng naarestong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”, habang si alyas “Nor” ay nahaharap din sa kasong paglabag sa RA 10591 o “Illegal Possession of Firearms and Ammunition”.

“Ang pagkakaaresto sa limang High Value Individuals at ang malaking halaga ng iligal na droga na ating nasamsam ay malinaw na mensahe na walang puwang ang ilegal na droga sa Rizal. Patuloy at mas paiigtingin pa ng Rizal PPO ang mga operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga komunidad,” ani Police Colonel Feloteo A Gonzalgo, Provincial Director ng Rizal PPO.

Source: Rizal PPO