Arestado ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan Police Provincial Office at Plaridel Municipal Police Station, ang isang gunrunner sa ikinasang intelligence-driven manhunt operation dakong 11:20 ng gabi noong Oktubre 23, 2026 sa Brgy. Sto. Niño, Plaridel, Bulacan.
Kinilala ni Police Major Mark Anthony E Tiongson, Chief ng Bulacan Provincial Intelligence Unit, ang suspek na si alyas “Filo,” 33 anyos, residente ng Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan.
Nabatid na sa naunang operasyon, nahuli ang suspek sa akto ng pagbebenta ng isang kalibre .38 Armscor revolver kapalit ng Php3,000 na buy-bust money. Narekober din ang isang granada, buy-bust money, at isang brown sling bag.
Kaugnay nito, inaresto rin ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong attempted murder sa ilalim ng Criminal Case No. 4691-M-2024, na may inirekomendang piyansang Php120,000.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act No. 9516 kaugnay ng mga eksplosibo, bukod pa sa kasong attempted murder.
Ayon kay Police Colonel Jay B Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Tinitiyak ng Bulacan PPO na ang bawat operasyon ay isinasagawa alinsunod sa umiiral na batas at sa tamang proseso, na may layuning mapanatili ang kapayapaan at maprotektahan ang buhay at kapakanan ng ating mga kababayan,”
Source: Bulacan Police Provincial Office

