Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Purok 4, Barangay Calangcawan Sur, Vinzons, Camarines Norte nitong gabi ng Agosto 20, 2025.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Vinzons Municipal Police Station (MPS) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office V.
Ayon kay PMaj Ace J Flores, hepe ng Vinzons MPS, pasado alas-9:15 nang masakote ang suspek na kinilalang si alyas “Bon,” 33 anyos, binata, at residente ng Barangay Itomang, Talisay, Camarines Norte.
Nakabili umano ang poseur buyer mula sa suspek ng isang pakete ng hinihinalang shabu. Dahil dito, agad na isinagawa ang pag-aresto kung saan narekober ang humigit-kumulang isang gramo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php6,800.
Nakasaksi sa isinagawang imbentaryo at dokumentasyon ng ebidensya ang mga opisyal ng barangay at isang kinatawan ng lokal na media upang matiyak ang integridad ng operasyon.
Sa ngayon, inihahanda na ng kapulisan ang kaukulang kasong kriminal laban sa suspek sa ilalim ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Binigyang-diin naman ng pamunuan ng Vinzons MPS na patuloy nilang palalakasin ang kampanya kontra iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa kanilang nasasakupan.
Source: Vinzons MPS Camarines Norte PPO
Panulat ni PSSg Mercolito P Love ndino Jr



