Muling pinagtibay ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR) ang matatag nitong kampanya para sa kapayapaan matapos ang boluntaryong pagsuko ng isang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Sitio Magba, Barangay Panciao, Manjuyod, Negros Oriental noong Mayo 18, 2026.
Sa pangunguna ng 1st Maneuver Platoon ng 2nd Provincial Mobile Force Company ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOrPPO), matagumpay na naisagawa ang operasyon na nagresulta sa mapayapang pagbabalik-loob ng nasabing indibidwal sa pamahalaan.
Kasabay ng kanyang pagsuko ang boluntaryong pag-turn over ng isang kalibre .45 na baril, isang magazine, at apat na bala.
Ayon sa PRO-NIR, patuloy ang pinaigting nitong mga operasyon laban sa insurhensiya, hindi lamang upang mapanatili ang seguridad ng komunidad kundi upang mabigyan din ng pagkakataon ang mga dating rebelde na magsimulang muli sa mapayapa at legal na paraan.
Binigyang-diin ng kapulisan na bukas ang pamahalaan sa pagtulong sa mga dating kasapi ng CTG sa pamamagitan ng iba’t ibang reintegration programs tulad ng livelihood assistance, skills training, financial support, at iba pang programang magbibigay ng mas maayos na kinabukasan para sa kanila at sa kanilang mga pamilya.
Patuloy namang isinusulong ng PRO-NIR ang adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” bilang patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kaayusan, seguridad, at malasakit sa mamamayan.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos



