Boluntaryong sumuko sa mga tauhan ng Bulacan Police Provincial Office ang isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) at isinuko ang kanyang hindi lisensyadong baril sa pamamagitan ng mga operatiba ng 1st Bulacan Provincial Mobile Force Company bandang 1:30 ng hapon noong Agosto 1, 2026 sa Headquarters ng 1st Bulacan PMFC, Camp General Alejo S Santos, Brgy. Guinhawa, Lungsod ng Malolos, Bulacan.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Norheda G Usman, Acting Force Commander, ang sumuko na si alyas “Ka Jeff,” 41 taong gulang, isang construction worker, at residente ng Brgy. Caingin, Meycauayan City, Bulacan.
Nabatid na ang sumuko ay dating miyembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na dating kumikilos sa mga baybaying lugar ng Bulacan, Pampanga, Zambales, at Bataan.
Kasabay ng kanyang pagsuko ay ang pag-turn over ng isang Caliber .38 revolver na walang serial number at isang bala.
Ang boluntaryong pagsuko ay pinangunahan ng mga tauhan ng 4th Platoon, Bulacan 1st PMFC, katuwang ang mga personnel ng Malolos City Police Station, Bulacan Provincial Intelligence Unit, at 301st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 3.
Ayon kay Police Colonel Jay B Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Ang boluntaryong pagsuko ng dating miyembro ng CTG ay patunay na epektibo ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa komunidad at ang ating mga programa para sa kapayapaan. Hinihikayat namin ang iba pang naliligaw ng landas na magbalik-loob sa pamahalaan upang magkaroon ng panibagong pagkakataon at makapamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang pamilya.”



