Dalawang magsasaka, arestado sa anti-illegal logging operation sa Quirino

0
108

Arestado ang dalawang magsasaka matapos mahuli sa aktong ilegal na paglalagari ng troso sa isinagawang anti-illegal logging operation ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad sa Purok 7, Brgy. Jose Ancheta, Maddela, Quirino noong Hulyo 11, 2026.

Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Bernie” at “Greg,” kapwa residente ng Maddela, Quirino. Pinangunahan ng Quirino Police Intelligence Unit ang operasyon, katuwang ang 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company at Maddela Police Station.

Nasamsam sa operasyon ang isang steel chainsaw at 179 piraso ng ilegal na nalagareng kahoy na may tinatayang kabuuang 2,200 board feet at halagang humigit-kumulang Php176,000.00. Isinailalim sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso ang mga nakumpiskang ebidensya sa koordinasyon ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), habang nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act No. 9175 o Chainsaw Act of 2002.

Patuloy na pinaiigting ng Police Regional Office 2 ang kampanya laban sa illegal logging at iba pang paglabag sa batas upang mapangalagaan ang likas na yaman, mapanagot ang mga lumalabag sa batas, at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Lambak ng Cagayan.

Source: Police Regional Office 2

Leave a Reply