Php680K halaga ng hinihinalang shabu, narekober sa buy-bust operation sa Camalig, Albay

0
154

Matagumpay na naarestado ang isang babae na kabilang sa listahan ng High-Value Individuals (HVI) sa isang buy-bust operation na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V (PDEA RO5) bilang lead unit, katuwang ang Camalig Municipal Police Station sa pamumuno ni PMaj Jonathan L. Apil, Assistant Chief of Police, Police Intelligence Unit ng Albay Police Provincial Office, at Coast Guard Intelligence Unit Albay, nitong Hulyo 12, 2026.

Nahuli ang suspek, na kinilala sa alyas na “Donna,” bandang alas-4:55 ng hapon matapos nitong magbenta sa isang poseur-buyer ng dalawang katamtamang laki ng transparent plastic bags na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ng Php95,000 buy-bust money.

Nasamsam mula sa suspek ang humigit-kumulang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na Php680,000.00.

Bukod sa ilegal na droga, narekober din sa kanyang posesyon ang ilang non-drug evidence, kabilang ang isang maliit na plastic bag na may nakaimprentang “Thank You Please Come Again,” isang brown paper bag na may tatak na “Famous Belgian Waffles,” isang tunay na Php1,000 bill kasama ang ilang piraso ng replica bills na may markang “Not Valid for Legal Tender,” isang Blue Honda Click 125 motorcycle, susi ng motorsiklo, isang Honor cellular phone, at apat na BDO transaction receipts.

Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa harap ng suspek at ng mga mandatory witnesses, kabilang ang kinatawan ng broadcast media at isang halal na opisyal ng barangay, alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang isinasagawa ang kaukulang legal na proseso.

Ayon kay PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay Police Provincial Office, patunay ang matagumpay na operasyon ng walang humpay na kampanya ng mga awtoridad laban sa iligal na droga alinsunod sa bisyon ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply