Dalawang High Value Individuals (HVIs) ang matagumpay na naaresto ng kapulisan sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon, noong Mayo 28, 2026, matapos makumpiska ang tinatayang Php729,300 halaga ng hinihinalang shabu.
Pinangunahan ng Drug Enforcement Unit ng Tiaong Municipal Police Station, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency, ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na kinilalang sina alyas “Randy” at “Gary.” Nasamsam mula sa kanila ang humigit-kumulang 107.25 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang knot-tied plastic bag at tatlong heat-sealed sachet, kasama ang buy-bust money.
Maayos ding isinagawa ng mga operatiba ang inventory ng mga nakuhang ebidensya sa presensya ng mga suspek, barangay opisyal, at media representative gamit ang Alternative Recording Device (ARD), alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 habang sila ay nasa kustodiya ng Tiaong Municipal Police Station.
Ayon kay PBGen Hansel M. Marantan, Regional Director ng PRO CALABARZON, patunay ang matagumpay na operasyon ng mas pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga sa ilalim ng direktiba ni Chief, PNP PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Sa ilalim ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” magpapatuloy ang mas agresibo at intelligence-driven operations ng PRO CALABARZON upang mapanatiling ligtas ang mga komunidad sa rehiyon.
Source: PRO 4A



