Naghatid ng tulong ang mga tauhan ng Forward Operating Base (FOB) Pudong sa pamumuno ni PMSg John Gregor Corpuz, sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol Marvie C. Amilao, Force Commander ng Benguet 2nd Mobile Force Company (PMFC), kasama ang mga opisyal ng Barangay Pudong na pinamumunuan ni Kagawad Crisencia Sagayo, sa isinagawang pamamahagi ng school supplies sa Toplac Elementary School, Sitio Toplac, Kapangan, Benguet noong Hunyo 8, 2026.
Aabot sa 28 mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 ang nakinabang sa nasabing inisyatiba na isinagawa sa tulong ng mga donasyon mula sa iba’t ibang stakeholders, bilang bahagi ng pagtutulungan para sa pagpapaunlad ng edukasyon at komunidad.
Bukod dito, nagsagawa rin ng libreng gupit ang mga tauhan na nakapagbigay-serbisyo sa 12 mag-aaral, habang ang R-PSB personnel ay naghatid ng maikling lecture tungkol sa Anti-Illegal Drugs at Anti-Bullying. Sa talakayan, binigyang-diin ang masamang epekto ng droga, kahalagahan ng tamang desisyon, at paghubog ng respeto, kabutihan, at disiplina sa loob ng paaralan.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang suporta sa edukasyon at kamalayan ng kabataan sa mahahalagang isyung panlipunan, kasabay ng pagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at komunidad alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Benguet 2nd Mobile Force Company



