Sa kabila ng malakas na pag-ulan, mahinang visibility, at mapanganib na kondisyon sa lugar ng insidente, matagumpay na natapos ng Baguio City Police Office (BCPO) at mga katuwang na responder ang Search, Rescue, and Retrieval (SRR) operations kaugnay ng landslide sa Guisad Surong noong Agosto 11, 2026.
Katuwang ng BCPO ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Regional Mobile Force Battalion (RMFB), JTU Panagkaykaysa, 911 On-Call, Philippine Red Cross-Baguio City Chapter, mga opisyal ng barangay, at community volunteers sa tuloy-tuloy na operasyon. Sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon, pagtutulungan, at salit-salitang deployment, nagpatuloy ang mga responder sa paghahanap at pagrekober sa mga naapektuhan sa kabila ng panganib.
Nakumpirma ang lahat ng 13 indibidwal na sangkot sa insidente. Sampu ang idineklarang nasawi, habang tatlo ang nakaligtas, kabilang ang isang aso na matagumpay ding nailigtas mula sa lugar ng landslide.
Ang matagumpay na pagkumpleto sa retrieval operation ay mahalagang hakbang sa emergency response at sumasalamin sa tapang, malasakit, at propesyonalismo ng mga pulis, emergency responders, medical teams, barangay officials, volunteers, at iba pang katuwang na nanatili sa lugar sa kabila ng mahirap na kondisyon. Pinangunahan at pinangasiwaan ang koordinadong pagtugon sa insidente sa pakikipagtulungan ng Baguio City Government at iba pang partner agencies.
Patuloy namang nakikiisa ang BCPO sa mga hakbang para sa pagbangon ng mga apektadong pamilya at komunidad ng Guisad Surong. Ipinagpapatuloy ng kapulisan ang dedikasyon nitong magbigay ng maagap na tulong at proteksyon sa panahon ng sakuna, alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: BCPO



