Barangay Kagawad sa Ilagan, arestado; Mga ilegal na baril at bala, nasamsam

0
148

Arestado ang isang barangay kagawad matapos makumpiskahan ng mga hindi lisensyadong baril at mga bala sa isinagawang operasyon sa Purok 7, Brgy. Cabisera 17-21, Lungsod ng Ilagan, Isabela noong Hulyo 18, 2026.

Pinangunahan ng CIDG Isabela Provincial Field Unit bilang lead unit, katuwang ang Ilagan Component City Police Station, Regional Intelligence Unit 2–PIT Isabela East, at Regional Mobile Force Battalion 2, ang pagpapatupad ng Search Warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, City of Ilagan. Kinilala ang naarestong suspek na may alyas na “Rene,” isang barangay kagawad.

Sa operasyon, nakumpiska ang isang caliber .357 revolver, isang caliber .45 pistol, isang magazine ng caliber .45, labing-apat (14) na bala ng caliber .357, labing-siyam (19) na bala ng caliber .45, isang basyo ng caliber .357, at iba pang kaugnay na kagamitan. Agad na dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa CIDG Isabela Provincial Field Unit para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Patuloy na pinaiigting ng Isabela Police Provincial Office ang kampanya laban sa ilegal na pagmamay-ari at pag-iingat ng mga baril sa pamamagitan ng mas pinaigting na law enforcement operations. Kaakibat nito ang adbokasiya ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman, na naglalayong mapanatili ang isang ligtas, mapayapa, at maayos na pamayanan sa buong lalawigan ng Isabela.

Source: PNP Isabela

Leave a Reply