Matagumpay na pinasinayaan ang bagong Tourist Police Unit Office ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOrPPO) kamakailan lamang sa Tourist Police Assistance Center, La Independencia St., Poblacion District II, Dauin, Negros Oriental.
Kabilang sa nanguna sa nasabing seremonya si PCol Timmar K Alam, Officer-in-Charge ng NOrPPO kasama ang ilang mga senior PNP Officials at mga lokal na opisyal ng lalawigan.
Kasabay ding isinakatuparan ang Turnover at Blessing ng mga Tourist Police Patrol Car at Presentation ng bagong Tourist Police Uniform.
Nakiisa rin sa kaganapan sina Hon. Manuel “Chaco” L. Sagarbarria, Provincial Governor, at Hon. Alvin V. Truita, Acting Municipal Mayor ng Dauin, kasama ang iba pang mga bisita.
Pinangunahan naman ni Rev. Fr. Harnell M. Paulin, Team Moderator ng Dauin Parish Church, ang pagpapasinaya ng nasabing mga kagamitan at opisina na siyang patunay ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagitan ng Philippine National Police, Provincial Government ng Negros Oriental, at Local Government Unit ng Dauin sa pagpapanatili ng ligtas at tourist-friendly na mga pamayanan.
Ang proyekto ay isang mahalagang hakbang upang mas mapagtibay pa ang kakayahan ng nasabing Tourist Police Unit sa lalawigan sa pamamagitan ng maayos nitong mga pasilidad, mobility assets, at maging ang kahandaan ng hanay sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad sa lahat ng mga turista at bisita sa lugar at maisakatuparan ang mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



