Sa patuloy na pagbabantay sa kalagayan ng Mayon Volcano, nagpatupad ng pinaigting na police visibility at presensya ang Tabaco City Police Station, katuwang ang mga karagdagang tauhan mula sa 1st Albay Provincial Mobile Force Company upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa mga lugar na saklaw ng panganib.
Bandang alas-7:00 ng gabi noong Mayo 2, 2026, sabay-sabay na nag-deploy ang Tabaco CPS at APPO augmented personnel sa mga itinalagang checkpoints sa Barangay Nagsipit, Oson, at Buang sa Tabaco City, Albay. Isinakatuparan ang nasabing mga operasyon sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol Virgil B Bibat, Chief of Police ng Tabaco CPS.
Layunin ng operasyon na maiwasan ang anumang hindi awtorisadong pagpasok sa 6–7 kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan, na patuloy na nananatiling delikado dahil sa posibleng pag-alburoto ng bulkan. Bukod dito, nakatuon din ang operasyon sa agarang pagtugon sa anumang insidente at pagbibigay ng tulong sa mga residente na maaaring maapektuhan ng sitwasyon.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, kasalukuyang normal ang sitwasyon sa mga nabanggit na lugar. Wala ring naitatalang ashfall sa kasalukuyang monitoring, bagaman nananatili ang maulap na panahon.
Sa kabila nito, patuloy ang mahigpit na pagbabantay at koordinasyon ng mga pulis upang matiyak na nananatiling ligtas ang mga komunidad sa paligid ng bulkan. Ang nasabing hakbang ay bahagi ng mas malawak na pagtutulungan ng Tabaco CPS at Albay PPO upang mapanatili ang seguridad ng publiko sa panahon ng banta ng kalamidad.
Nakasandig din ang operasyong ito sa adbokasiyang “Serbisyong Noel—Nararamdaman: Organisado, Epektibo, at Laging Maaasahan” sa ilalim ng pamumuno ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay PPO, na layuning tiyakin ang maagap, maayos, at maaasahang serbisyo ng kapulisan sa bawat oras ng pangangailangan.
Sa gitna ng panganib na dala ng bulkan, nananatiling handa ang Pambansang Pulisya—bantay ang bawat kalsada, at nakatuon sa isang layunin: ang kaligtasan ng bawat mamamayan tungo sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



