Nasabat ang tinatayang Php6.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang High Value Individual sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Sitio Bana, Brgy. Dolores, Mabalacat City, Pampanga nito lamang madaling-araw ng Mayo 2, 2026.
Kinilala ni Police Brigadier General Jess B Mendez, Regional Director ng Police Regional Office 3, ang mga suspek na sina alyas “Kuya” at alias “Panggay,” na nakuhanan ng caliber .45 firearm, isang magazine, at apat na live ammunition ng mga tauhan ng Mabalacat City Police Station Drug Enforcement Unit, 2nd Pampanga Provincial Mobile Force Company at PDEA RO3.
“This reflects our firm commitment to enhance police operations and sustain the campaign against illegal drugs and loose firearms. Patuloy nating paiigtingin ang ating operasyon upang mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad,” saad ni RD Mendez.
Tiniyak naman ng PNP PRO 3 na hindi sila titigil sa pagpapatupad ng batas nang may propesyonalismo at pananagutan na naaayon sa mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



