Sa ilalim ng nag-aalab na sikat ng araw at nagkakaisang mithiin, ipinamalas ng Bacolod City Police Office (BCPO) ang kanilang wagas na pagmamahal sa bayan sa pagdiriwang ng National Flag Day ngayong Mayo 28, 2026, na ginanap sa Bacolod City Government Center.
Sa pamumuno ni PCol Eugene N Rebadomia, City Director, naging sentro ng aktibidad ang pagkilala sa ating pambansang watawat bilang buhay na simbolo ng ating kalayaan, soberanya, at matibay na pagkakaisa bilang mga Pilipino.
Hindi lamang basta seremonya ang naganap, kundi isang muling pagpapatibay ng panata. Pinangunahan ni PCol Rebadomia ang pagbigkas ng Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas. Ang bawat salitang binitawan ay nagsilbing paalala sa bawat miyembro ng kapulisan ng kanilang sagradong tungkulin na itaguyod ang dangal ng bansa sa lahat ng oras.
Ang pakikilahok ng mga kapulisan kasama ang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Bacolod at iba pang ahensya, ay sumasalamin sa mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.” Ito ay patunay na ang kapulisan ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas, kundi mga katuwang ng komunidad sa pagbuo ng isang nasyong may malasakit at integridad.
Ang National Flag Day ay hindi lamang pag-alala sa kasaysayan, kundi isang hamon para sa kapulisan na patuloy na magsilbing liwanag at proteksyon ng ating bandila at ng sambayanang Pilipino.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos
Source: PNP PIO BCPO



