Umarangkada ang “All-in-One Mission” ng mga tauhan ng 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company sa Barangay Salaman, Lebak, Sultan Kudarat bilang bahagi ng patuloy na paghahatid ng serbisyo publiko at pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad.
Pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel William L. Facsoy Jr., Force Commander ng 2nd Sultan Kudarat PMFC, ang aktibidad, katuwang ang mga miyembro ng CAGPTD, Lebak Municipal Police Station, Philippine Marine Corps, Department of Health, Lokal na Pamahalaan ng Lebak, mga opisyal ng Barangay Salaman, at iba pang partner agencies.
Layunin ng aktibidad na higit pang pagtibayin ang koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at pagtugon sa agarang pangangailangan ng mamamayan sa pamamagitan ng isang people-centered at whole-of-government approach.
Sa isinagawang outreach activity, direktang naihatid sa mga residente ng Barangay Salaman ang iba’t ibang serbisyong medikal, community programs, at iba pang tulong mula sa mga kalahok na ahensya. Ipinakita rin sa aktibidad ang kahalagahan ng pagkakaisa, kooperasyon, at sama-samang pagkilos para sa isang mapayapa, ligtas, at maunlad na pamayanan.
Ang matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad ay patunay ng matibay na ugnayan at tiwala sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan, gayundin ng patuloy na dedikasyon ng mga ahensya sa pagbibigay ng tapat at nararamdamang serbisyo publiko na naaayon sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



