7 Most Wanted Persons, arestado sa pinaigting na manhunt operations ng QCPD

0
227

Pinaigting ng Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni PBGen Randy Glenn Silvio, District Director, ang kampanya laban sa mga wanted person na nagresulta sa pagkakaaresto sa pitong Most Wanted Persons (MWPs) sa magkakahiwalay at koordinadong manhunt operations sa Quezon City at mga karatig-lugar.

Arestado ng La Loma Police Station (PS 1) ang No. 7 MWP nito na alyas “Ram,” 63, sa Sampaloc, Manila noong Agosto 18, 2026. Nahaharap siya sa warrant of arrest dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 308.

Samantala, nadakip naman ng Novaliches Police Station (PS 4) ang No. 10 MWP nito na alyas “Jetjet,” 34, sa Brgy. 177, Caloocan City, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong robbery mula sa RTC Branch 216 ng Quezon City.

Nasakote rin ng Batasan Police Station (PS 6) ang No. 3 MWP na alyas “Bon,” 35, sa Batasan Hills, Quezon City, kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016. Samantala, naaresto ng Kamuning Police Station (PS 10) ang No. 9 MWP na alyas “Al,” 35, sa Ortigas, Mandaluyong City, dahil sa kasong Sexual Abuse.

Dalawa pang wanted person ang matagumpay na naaresto ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13)—ang No. 7 MWP na alyas “Rome,” 43, sa Brgy. Central, Diliman, Quezon City, dahil sa paglabag sa RA 9165; at ang No. 6 MWP na alyas “Renren,” 28, sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City, na nahaharap sa 14 counts ng theft.

Samantala, nadakip naman ng Pasong Putik Police Station (PS 16) ang No. 2 MWP nito na alyas “Juan,” 26, sa Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape. Ipinaabot naman ng QCPD na aabisuhan ang mga korte na naglabas ng kaukulang warrant hinggil sa matagumpay na pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay PBGen Silvio, malinaw na patunay ang mga pag-aresto sa patuloy at mas pinaigting na manhunt operations ng QCPD upang matiyak na mananagot sa batas ang mga lumalabag dito at mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa Quezon City.

Aniya, “Nananatiling determinado ang QCPD sa pagtupad ng aming tungkulin upang matiyak na ang mga lumalabag sa batas ay mananagot sa kanilang mga ginawa at mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa buong Quezon City,” alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: QCPD (https://www.facebook.com/share/p/1EdvweihrA/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply