Matagumpay na naaresto ng Philippine National Police, sa ilalim ng pangangasiwa ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang anim na indibidwal habang narekober naman ang anim na ilegal na baril kasama ang 30 rounds ng ammunition sa magkakahiwalay na search warrant operations sa iba’t ibang bahagi ng Negros Island Region nito lamang August 18, 2026 dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Isinagawa ang mga operasyon sa Negros Occidental at Negros Oriental, kung saan target ng mga awtoridad ang mga ilegal na nagmamay-ari ng baril para maiwasan ang iba’t ibang uri ng kriminalidad.
Sa Negros Occidental, naaresto ng Sagay City Police Station si alyas “Talang,” 47, isang construction worker mula sa Brgy. Bulanon, Sagay City. Narekober sa kanya ang isang caliber .45 Colt 1911 pistol, isang magazine, at limang rounds ng caliber .45 ammunition.
Sa Silay City, naaresto naman si alyas “Jor,” 59, isa ring construction worker sa Brgy. Lantad, matapos makuhanan ng isang caliber .38 Smith & Wesson revolver na mayroong dalawang rounds ng caliber .38 ammunition. Habang sa Victorias City, arestado naman si alyas “Totoy,” 24, matapos makuhanan ng isang caliber .38 revolver na may tatlong rounds ng caliber .38 ammunition.
Sa La Carlota City, arestado rin si alyas “Jerome,” 20, mula sa Brgy. II (Poblacion) matapos makuha sa kanya ang isang caliber .38 revolver at apat na rounds of caliber .38 ammunition.
Samantala sa lalawigan ng Negros Oriental, naaresto si alyas “Bry,” 51 taong gulang, sa pangunguna ng Sibulan Municipal Police Station, katuwang ang Negros Oriental Police Intelligence Team and Regional Intelligence Unit-NIR sa Brgy., Bolocboloc, Sibulan. Nakuha mula sa kanya ang isang caliber .25 Raven Phoenix Arms pistol, isang magazine na may limang rounds ng caliber .25 ammunition, lima pang rounds ng caliber .25 ammunition, at isang pang round ng caliber .45 ammunition.
Habang sa San Jose, Negros Oriental, naaresto naman ng mga tauhan ng San Jose Municipal Police Station at 1st Provincial Mobile Force Company Special Weapons and Tactics si alyas “Rol.” Narekober sa kanya ang isang caliber .38 chrome revolver na mayroong itim na handle at limang rounds ng caliber .38 ammunition.
“Iliegal firearms have no place in our communities. We will keep taking unauthorized weapons out of circulation and hold accountable those who violate our firearms laws” (Ang mga ilegal na baril ay walang lugar sa ating mga komunidad. Patuloy nating aalisin sa sirkulasyon ang mga hindi awtorisadong armas at pananagutin ang mga lumalabag sa ating batas), saad pa ni PGen Nartatez.
“Mahalagang sundin ang mga patakaran sa pagmamay-ari at paggamit ng baril. Ang ilegal na armas ay maaaring magdulot ng panganib sa ating mga komunidad,” dagdag pa niya.
Alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” agad isinailalim sa nararapat na forensic at ballistic examination ang narekober na mga baril, habang inihahanda ang isasampang kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 sa lahat ng mga naarestong indibidwal.
Source: PRO NIR Source: https://www.facebook.com/share/p/19WUUVYtwo/?mibextid=wwXIfr



